*Cauayan City, Isabela*- Nakatakdang simulan ang konstruksyon ng Sta. Luciana-San Pablo Bridge sa Lungsod ng Cauayan sa susunod na taon matapos bigyan ng ‘Go Signal’ ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay City Mayor Bernard Faustino Dy, ang nasabing tulay ay isang ‘all weather type’ na kahit tumaas ang lebel ng tubig sa mga ilog ay madadaanan pa rin ito ng mga motorista.
Dagdag pa ni Mayor Dy, may inisyal ng pondo ang nailaan sa pagpapagawa ng nasabing tulay na umabot sa 130 milyon habang ang kabuuan nito ay nasa 600 milyon piso.
Kaugnay nito, hindi na itutuloy ang sana’y pagsasaayos ng Tagaran-Alicaocao Overflowbridge pero mananatili pa rin itong daanan subalit para lamang sa mga maliliit na sasakyan gaya ng motorsiklo sakaling matapos ang konstruksyon ng Sta.Luciana-San Pablo Bridge.
Umaasa naman ang Lokal na Pamahalaan ng Cauayan na maiibsan ang problema ng publiko sakaling matapos ang nasabing konstruksyon.