Konsultasyon bago ang deklarasyon ng mga bagong polisiya, iminungkahi ni Robredo sa IATF

Hinimok ni Vice President Leni Robredo ang Inter-Agency Task Force (IATF) na magkaroon muna ng konsultasyon sa iba’t ibang sektor bago magpatupad ng bagong polisiya.

Ito ay makaraang tutulan ng Metro Manila mayors ang desisyon ng IATF na payagan nang magbukas ang mga sinehan sa mga lugar na nakasailalim sa general community quarantine (GCQ) dahil sa anila’y kawalan ng proper consultation.

Ayon kay Robredo, noon pa man ay iminungkahi na niya na gawing kabahagi ng IATF ang mga kinatawan ng iba’t ibang liga ng mga lokal na pamahalaan dahil sila ang mas nakakaalam ng sitwasyon sa kanilang lugar.


“Kung sinunod sana nila yun hindi mangyayari yung mga ganito na nagdeklara na ng policy tapos may appeal galing sa mga opisyal. Sana bago nagkakaroon ng deklarasyon, pinag-uusapan muna nang maayos kaysa konti lang yung nag-uusap ‘pag nagkaroon ng deklarasyon, babawiin,” paliwanag ni Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.

Samantala, kinuwestyon din ng pangalawang pangulo ang pagpayag ng IATF na buksan na ang mga sinehan at video at interactive game arcades habang pinagbabawalan pa ring magbukas ang mga paaralan sa mga lugar na wala namang kaso ng COVID-19.

Aniya, hindi niya alam kung nakabase sa siyensya ang naturang desisyon ng task force.

Giit ni Robredo, hindi maaaring pabayaan ang public health habang binubuksan ang ekonomiya.

“Narinig ko yung statement ni Secretary Roque na marami kasing nawalan ng trabaho na dito nagtatrabaho, valid yung observation na maraming nawalan ng trabaho pero parati nating sinasabi na hindi pwedeng hiwalay ang health sa economy. Di ba yung pinakamabuting pagbukas sa ekonomiya, tutukan ang health public,” ani Robredo.

Facebook Comments