Manila, Philippines – Umapela sa mga lokal na pamahalaan ang Department of Education (DepEd) na magpasa ng ordinansa na maghihigpit sa mga bulakbol na mag-aaral.
Sa gitna pa rin ito ng patuloy na presensya ng ilang estudyante sa mga mall at computer shop kahit pa oras ng kanilang klase.
Aminado si DepEd Usec. Jesus Mateo na kahit may kautusan ang ahensya na nagbabawal sa mga estudyante na magbulakbol sa oras ng klase ay tila wala naman itong pangil.
Aniya, hindi naman maaaring utusan ng departamento ang mga business establishments na wag magpapasok ng mga estudyante o di kaya’y tanungin ang mga ito isa-isa bago pumasok ng mall.
Bagamat, nakikipag-ugnayan na aniya ang DepEd sa mga mall operators pero mas magiging epektibo pa rin ito kung susuportahan ng mga lokal na pamahalaan.
Nagbabala rin si Mateo sa mga estudyante na nagcu-cutting classes na sila rin ang magsisisi sa bandang huli dahil tiyak na magkakaroon sila ng problema sa kanilang mga grado.