Manila, Philippines – Nagsagawa ng kilos protesta ang mga miyembro ng grupong manggagawa sa Gate 2 ng Camp Crame sa Quezon City.
Kinalampag ng nasa 10 miyembro ng Kilusang Mayo Uno ang tanggapan ng Philippine National Police kaninang alas-10:30 ng umaga upang ipakita ang kanilang pagtutol sa Republic Act 10973 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pahayag ng mga ito na sa pamamagitan ng subpoena powers na ipinagkaloob sa hepe ng PNP, Director at Deputy Director for administration ng CIDG ay posibleng magkaroon ng ‘mass arrest’ at paglabag sa ‘due process.’
Maituturing aniyang Anti-poor din daw ito dahil pawang mga mahihirap at manggagawa ang maapektuhan nito.
Dagdag pa nila, natatakot sila dahil baka maabuso lang ang subpoena powers at magamit lang sa hindi tamang paraan.
Kahapon, sinabi ni PNP Chief Ronald Dela Rosa na ipapaubaya niya na lang sa CIDG ang paggamit ng subpoena powers at gagamitin lang nya ito kung kinakailangan.
Siniguro niya rin na hindi nila ito aabusuhin dahil may safeguards naman daw ang naturang batas.