
Umalma at nanlumo si Engr. Francis Cuyop, ang may-ari ng 3K Rock Engineering na pangunahing institusyon na nanguna sa pagtatayo ng rock shedding sa Camp 6, Tuba, Benguet.
Nang marinig ang komento ng Pangulo patungkol sa kanyang proyekto sa Tuba, nalungkot siya ngunit, ayon sa kanya, wala naman siyang dapat ikabahala dahil malinis ang kanyang konsensya.
Dapat pa umano siya magpasalamat dahil nakatayo pa rin siya sa kanyang proyekto na aniya, nasubok na ng malalakas na mga sakuna at hindi pa rin nagigiba.
Giit pa ni Engr. Cuyop, ang tanging bumagsak sa lugar ay ang crib wall o ang slope protection na ayon sa kanya, hindi na sakop ng kanyang proyekto.
Dagdag pa niya, maraming archive photos na nagpapakita na ang crib wall sa entrada ng tunnel ay matagal nang naroon, bago pa man niya gawin ang rockshed project noong January 2023.
Samantala, sa gitna ng kontrobersiya sa rockshed project at sa umano’y katiwalian nito, naniniwala pa rin ang DPWH Cordillera na malaki ang tulong ng tunnel para sa kaligtasan ng mga motorista at mga biyahero.
Sa pagbisita naman ni DPWH Sec. Manuel Bonoan nitong linggo, patuloy ang kanilang assessment sa lugar kung saan nga ba ang pangunahing depektibo at sino nga ba ang dapat managot sa anomalya.









