Kontrobersiya sa West Philippine Sea, kabilang sa napag-usapan kanina nina DFA Sec. Locsin at U.S. Secretary of State Blinken

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang naging pag-uusap sa telepono kanina nina Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. at U.S. Secretary of State Antony Blinken.

Ayon sa DFA, kabilang sa napag-usapan ng dalawang opisyal ang hinggil sa geopolitical developments at ang mga hamon sa Asia Pacific Region, partikular ang kontrobersyal na West Philippine Sea.

Natalakay rin nina Locsin at Blinken ang pagpapalakas sa Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at ng United States.


Ipinaabot din ni Locsin ang pagkalugod ng pamahalaan sa tulong ng Estados Unidos sa paglaban ng Pilipinas kontra COVID-19.

Kapwa rin nagpahayag ng kumpiyansa ang dalawang kalihim sa tatahakin ng Pilipinas at Amerika sa bilateral cooperation nito lalo na’t ngayong taon ang ika-75 na anibersaryo ng diplomatic relations ng dalawang bansa.

Facebook Comments