Guilty ang naging hatol ng Pasay City Regional Trial Court Branch 111 laban sa blogger na si Edward Angelo “Cocoy” Dayao.
Kaugnay ito ng kanyang 2017 post na nagbansag kay dating Senate President Vicente Sotto III at anim pang senador bilang “Malacañang lapdogs” o tuta ng administrasyon.
Pinangunahan ni Sotto ang paghahain ng kaso kaugnay sa “Silent No More PH” blog post ni Dayao.
Sa hatol ni acting Presiding Judge Gina Bibat-Palamos, dalawa at kalahating taon hanggang apat na taon at limang buwang pagkabilanggo ang ipinataw laban kay Dayao.
Una nang tinawag ni Dayao sa kanyang post sina Sotto at Senators Aquilino “Koko” Pimentel III, Emmanuel Pacquiao, Gregorio Honasan, Juan Miguel Zubiri, Cynthia Villar, at Richard Gordon na “tuta” ng palasyo dahil sa hindi paglagda sa resolution na kumokondena sa pagkamatay ng ilang minors sa war against drugs ng Duterte administration.