Kontrobersyal na Ilagan City-Divilacan Road sa Isabela, Naipaabot na sa Malacañang

Cauayan City, Isabela- Ipinaabot na sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapin tungkol sa umano’y maanomalyang konstruksiyon sa Ilagan-Divilacan Road sa lalawigan ng Isabela.

Ito ay personal na liham na ipinaabot sa pangulo ng bansa mula sa dating alkalde ng bayan ng Angadanan na si Manuel ‘Noli’ Siquian.

Batay sa dokumentong naipaabot sa Malacañang, inisa-isa ng dating opisyal ang umano’y ginagawang anomalya at korapsyon sa paggawa ng kontrobersyal na daan.


Inilahad din ng dating alkalde ang halagang inutang ng kapitolyo na nagkakahalaga sa mahigit P1 bilyon noong panahon na gobernador pa ang ngayo’y kasalukuyang bise-gobernador ng lalawigan.

Nakasaad din sa liham na naghain din ng reklamo si Siquian sa tanggapan ng Ombudsman noong Hulyo 2019 subalit hanggang sa ngayon ay wala pa rin naipapalabas na inisyal na aksyon ang nasabing tanggapan ayon sa dating opisyal.

Bukod dito, nagpalabas din ng assessment ang tanggapan ng Commission on Audit (COA) na sinasabing hindi pa kumpleto ang konstruksiyon subalit una na ito umanong naideklarang tapos sa ilalim ng C.M Pancho Construction makaraang matanggap ang sulat ng kampo ni Siquian.

Binigyang-diin din ni Siquian na mayroong kasong tatlong (3) counts ng plunder ang inihain sa korte na kinabibilangan ng Technical Malversation of Public funds in relation with Anti-Graft and Corrupt Practices Act at sinasabi din umano na paraan ito para magamit patungo sa Stagno-Honeymoon Island na pagmamay-ari ng nakatatandaang kapatid ng bise-gobernador.

Isa rin ang Falsification of Public Documents dahil umano sa pagsasabing tapos na ang paggawa sa kontrobersyal na daan kahit wala naman umano itong katotohanan.

Sobra sa presyo o overpricing dahil sa P20 million all-weather road bawat kilometro.

Kasama rin sa mga napadalhan ng sulat si DILG Undersecretary Epimaco Densing III, Supervising Authority (Bantay Korapsyon PMO) maging ang DILG-NAPOLCOM centre.

Matatandaang nasangkot sa usapin ng kontrobersyal na konstruksiyon ng daan ang kasalukuyang bise-gobernador ng Isabela at 12 iba pang mga opisyal ng kapitolyo dahil umano sa naging papel ng mga ito.
Sinisikap naman ng iFM News team na hingan ng pahayag ang bise-gobernador hinggil sa nasabing isyu.

Facebook Comments