Kontrobersyal na NCAP, tinatalakay na ng LTO at kinauukulang LGUs

Pinag-uusapan na ng Land Transportation Office (LTO) at limang Local Government Units o LGUs ang kontrobersyal na implementasyon ng No Contact Apprehension Policy o NCAP.

Sa briefing ng Department of Transportation (DOTr) sa House Committee on Transportation ay sinabi ni LTO Chief Atty. Teofilo Guadiz III na layunin ng pulong na maplantsa ang gusot sa pagpapatupad ng NCAP tulad ng halaga ng multa at kung sino ang dapat pagmultahin.

Binanggit din ni Guadiz, na kasama sa rekomendasyon ng LTO – Technical Working Group ang pagkakaroon ng module na nagsasaad na ang multa sa paglabag ng pampublikong sasakyan ay sa driver ipapataw at hindi sa operator pero mas mababa ang halaga.


Ayon kay Guadiz, iminumungkahi rin ng LTO na i-ayon ng LGUs ang panuntunan nila sa NCAP sa panuntunan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung saan higit na mas mababa ang multa.

Sa pagdinig ay nilinaw naman ni Transportation Assistant Secretary Marke Steve Pastor, na hindi polisiya ng LTO ang NCAP.

Paliwanag ni Pastor, ipinapatupad lang ng LTO ang ordinansa ng mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region ukol sa implementasyon ng NCAP.

Facebook Comments