Kaso ng dengue sa Pilipinas, sumampa nasa mahigit 118,000

102

Patuloy ang pagtaas ng kaso ng dengue sa Pilipinas.

Ayon sa Department of Health (DOH), sumampa na sa 153% o katumbas ng 118,526 dengue cases mula Enero hanggang Agosto 6, na mas mataas ito kumpara sa 46,761 sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Nanguna ang Central Luzon o Region III sa may pinakamaraming kaso ng nasabing sakit na pumalo na sa 21,242, habang sinundan ito ng Central Visayas o Region VII na may 11,363 at National Capital Region (NCR) na mayroong 10,937 kaso.


Umaabot naman sa 399 ang mga nasawi dahil sa nasabing sakit, kung saan mas mataas ito kumpara sa 167 sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Nanguna ang Central Visayas sa may mga naitalang mataas na bilang ng mga nasawi dahil sa dengue at sinundan ito ng Western Visayas o Region VI at Central Luzon.

Samantala, una nang kinumpirma ng DOH na siyam sa labing-pitong rehiyon sa bansa ang nalagpasan na ang dengue epidemic threshold.



Ito ay kinabibilangan ng Cagayan Valley o Region II, Central Luzon, Calabarzon o Region IV-A, MIMAROPA o Region IV-B, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Cordillera Administrative Region (CAR) at NCR.

Facebook Comments