Umaapela ng kooperasyon ang Malakanyang sa 7 pasaherong umuwi sa bansa mula sa South Africa na patuloy pang hinahanap ng pamahalaan sa kasalukuyan.
Hinihikayat ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles ang mga ito na kusa nang makipag-ugnayan sa mga otoridad upang maipasailalim muli sa RT-PCR test.
Matatandaang sinabi ng Department of Health (DOH) na tatlo sa mga pasaherong ito, ang nagsumite ng contact number ng kanilang agency sa halip na sarili nilang contact detail.
Ang isang biyahero naman ay mali ang numerong ibinigay habang ang isa naman ay nagbigay ng hindi kumpletong numero at ang dalawa ay hindi naman ma-contact.
Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na maituturing na paglabag sa Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases ang pagsu-sumite ng maling impormasyon o contact details.