Cauayan City, Isabela – Hinihiling ng punong lungsod ng Cauayan City ang kooperasyon ng mga Cauayeños kaugnay sa paghihigpit sa pagpapatupad ng No Helmet Driving Policy na magsisimula na bukas, August 01, 2018.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Mayor Bernard Dy, sinabi niya na karamihan umano sa mga nasasangkot sa aksidente ay mga menor de edad at siyamnapung porsyento umano sa mga ito ay positibo sa nakakalasing na inumin.
Inatasan narin umano niya ang kapulisan at mga miyembro ng Public Order Safety Division o POSD na maging mahigpit sa pagpapatupad sa naturang batas at sa paghuli sa mga lumalabag nito.
Idinagdag pa ni mayor Dy na huwag umanong isipin na pabigat ang pagsusuot ng helmet dahil ipinapatupad lamang umano ang batas para sa kapakanan ng bawat motorista.
Samantala, nakikiusap naman ang punung lungsod sa mga magulang na subaybayan ang kanilang mga anak na nagmamaneho ng motorsiklo dahil karamihan umano sa mga nasasangkot sa disgrasya ay mga menor de edad na kung minsan ay nakainom pa ng alak at walang lisensya.