Malabo pang maibigay ngayong araw ng Kamara ang kopya ng 2021 General Appropriations Bill (GAB).
Ito ang tugon ni Appropriations Chairman Eric Yap sa hirit ng mga senador na maisumite na sa kanila ng Kamara ngayong araw o sa susunod na linggo ang kopya ng 2021 national budget.
Ayon kay Yap, sa November 2 ang posibleng pinakamaagang petsa na maibibigay nila sa mataas na kapulungan ang kopya ng pambansang pondo dahil tatagal ng limang araw ang encoding at 10 araw naman ang printing nito sa National Printing Office.
Bukod dito, ngayong araw lamang din mapapagtibay sa ikalawa gayundin sa ikatlo at huling pagbasa ang national budget.
Ngayon ding araw ang deadline sa pagsusumite ng mga ahensya ng gobyerno para sa kanilang mga amendments.
Sa Lunes ay isang special team naman ang susuri sa mga isinumiteng pag-amyenda.
Pinawi din ng kongresista ang pangamba na magkaroon ng insertions sa budget dahil lahat ng mga amendments ng mga mambabatas ay idinadaan na sa mga ahensya ng gobyerno.
Naniniwala rin si Yap na kahit naman sa Nobyembre 5 maipasa sa Senado ang kopya ng 2021 GAB ay hindi ito sapat na dahilan para magkaroon ng reenacted budget.