Ipinagpatuloy ngayon ng Senate Blue Ribbon Committee ang kanilang imbestigasyon kaugnay Good Conduct Time Allowance for Sale Scam.
Sa pagdinig, inamin ni suspended bureau of corrections legal division chief Atty. Fredric Santos na may nagaganap ngang korapsyon sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Pero, paglilinaw ni Santos, ito ay mga maliliit na kaso lamang dahil sa paki-usap ng mga preso.
Sinabon naman si Santos ni Committee Chairman Sen. Richard Gordon dahil sa tila wala itong alam sa mga nangyayari sa NBP.
Lalo pang nagalit si Gordon at tinawag na inutil si Santos makaraang maling dokumento ang ibinigay niya sa Senado.
Nabatid na hinihingi kasi ni Gordon ang mga listahan ng mga napapatay sa NBP pero ang ibinigay ni Santos ay ang mga kaso.
Si Santos ay una nang napaulat na nakikipag”jamming” sa mga Chinese drug lords sa NBP pero agad niya itong itinanggi.