Korean National na Tumangay ng $333,000, Inaresto sa Isabela

Cauayan City, Isabela- Naaresto ng pinagsanib na pwersa ng mga tauhan ng San Mateo Police Station, CIDG Regional Field Unit 14, Korean Desk Baguio City, CIU Baguio City Police Office at station 8 ang isang korean national sa bisa ng interpol red notice sa kanyang tinutuluyang bahay sa Barangay Salinungan West, San Mateo, Isabela.

Kinilala ang suspek na si SONG F/N YANGRAE, 56-anyos at kasalukuyang naninirahan sa nasabing barangay.

Ayon kay PMAJ. Darwin John Urani, hepe ng PNP San Mateo, taong 2016 ng magpalabas ng kautusan ang INTERPOL SEOUL Republic of Korea laban sa suspek dahil sa ginawa umanong panloloko sa kanyang mga biktima makaraang tangayin ang nasa $333,000.


Dagdag pa ng hepe, nahirapan silang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek dahil sa nagpalit-palit ito ng kanyang pangalan hanggang sa naging tulay sa pagkadakip ng suspek ang kanyang kasintahan na pinay mula sa nasabing bayan.

Matatandaang nakakulong sa detention cell ng Bureau of Immigration ang koreano nitong enero 2020 ng makatakas ito at halos apat (4) na taon na nagtago sa batas.

Ipinasakamay na sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang koreano na inaasahang ibibiyahe bukas at ipepresenta sa Bureau of Immigration sa Manila.

Facebook Comments