Dahil wala na daw pera: Koreano nagpanggap na kinidnap at ‘nagpapatubos’ sa pamilya

Photo from PNP-AKG Visayas Field Unit

Dinakip ang isang Korean national sa Numancia, Aklan matapos siyang magpanggap na biktima ng kidnapping para makakuha ng pera mula sa sariling kaanak.

Kinilala ang suspek na si Yoo Jin Won, 38-anyos, at nagtratrabaho bilang tourist guide sa Angeles, Pampanga.

Pahayag ni Police Major Nestor Acebuche ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG), may natanggap silang impormasyon mula sa Korean Embassy na nawawala si Yoo noong Biyernes pa ng gabi.


Batid pa ng pulis, may nakuhang mensahe ang pamilya ng banyaga noong Setyembre 24 na dinukot umano ito at humihingi ang mga kidnapper niya ng P250,000 bilang ransom money.

Sa isinagawang imbestigasyon ng PNP-AKG, na-trace nilang kasama ng dayuhan ang nobyang Pinay sa isang bahay sa Barangay Camanci Norte.

Kaagad natunton ng awtoridad ang dalawa pero pag-amin ng Koreano, hindi totoong kinidnap siya at imbento niya lamang ‘yun upang makahingi ng salapi sa kaniyang ina sa South Korea.

Kasalukuyang nakapiit sa satellite office ng AKG sa Iloilo si Yoo at sasampahan ng kasong unjust vexation.

Facebook Comments