Korte Suprema, hawak na ang kaso hinggil sa P2.6-B na utang ng Now Telecom sa gobyerno

Nasa kamay na ng Korte Suprema ang desisyon sa hiling ng Office of the Solicitor General (OSG) na resolbahin ang kasong kinasasangkutan ng kompanyang Now Telecom hinggil sa P2.6 billion na halaga ng hindi nabayarang utang sa gobyerno.

Naghain kasi ng mosyon ang OSG sa SC upang ma-recover na ng pamahalaan ang hindi nabayarang Supervision and Regulation Fee (SRF) at Spectrum User Fees (SUFs) kabilang ang accumulated fines at penalties na nabigong bayaran ng Now Telecom.

Ayon sa OSG, ang nasabing halaga ay maaaring magamit sa COVID-19 response ng pamahalaan.


Sa motion for early resolution, hiniling ng OSG sa SC na resolbahin na sa lalong madaling panahon ang kaso dahil ang bawat partidong sangkot ay nakapagsumite na ng kanilang memoranda.

Ang P2.6-B na sinisingil ng gobyerno sa Now Telecom, na 85.32% ng mahigit sa P3 bilyon na “unresolved receivables” ng gobyerno ay bahagi ng report ng state auditors mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2020.

Kinuwestyon ng Next Mobile, Inc., dating pangalan ng Now Telecom Company, Inc., ang desisyon at resolusyon ng Court of Appeals noong 2009, na nagpapatibay sa letter-assessment ng telecommunications regulatory body na naghahangad na mabawi na ang P126 milyon na SRF at halos P9.7 milyon sa SUF, noong Disyembre 2005.

Noong Disyembre 2020, umabot na ang unpaid obligation ng Now Telecom sa gobyerno sa P2,615,868,531.50, kasama na ang penalties at fines.

Facebook Comments