Korte Suprema, hindi pa maglalabas ng TRO vs Quiboloy

Pinagsusumite na ng komento ng Korte Suprema ang Senado kaugnay sa petisyon ng kampo ni Pastor Apollo Quiboloy sa arrest order laban sa kaniya.

Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting, hinihintay pa ng En Banc ang komento ng respondents partikular ng Senado bago desisyunan ang mosyon ni Quiboloy.

Naghain ng petisyon ang kampo ng religious leader para maglabas ng Temporary Restraining Order at writ of preliminary injunction ang SC upang pigilan ang pagpapa-aresto sa kaniya ng Senado.


Batay sa petisyon, nilabag umano ng mataas na kapulungan ang kaniyang karapatan para sa due process at self-incrimination dahil sa ginagawang pagdinig ng Senado kaugnay sa mga reklamong human trafficking at sexual abuse nito sa mga dating miyembro.

Sa ngayon, hindi pa naglalabas ng desisyon ang Supreme Court habang hinihintay ang komento ng Senado sa loob ng sampung araw.

Naglabas ng arresto order laban kay Quiboloy dahil sa patuloy nitong pagliban sa mga pagdinig ng Senado.

Facebook Comments