
Ipinag-utos ng Korte Suprema sa pamunuan ng Dakak Beach Resort Corporation at kay Romeo Jalosjos na lisanin ang mahigit 1,602-sqm na property sa Dapitan City, Zamboanga del Norte na inuupahan nila sa loob ng 20 taon.
Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, pinagbabayad din ang Dakak at si Jalosjos ng mga hindi nabayarang upa at danyos na nagkakahalaga ng ₱1.5 milyon.
Napag-alaman na pinaupahan ni Violeta Saguin de Luzuriaga ang kanyang lupa sa Dakak, na kinakatawan ni Jalosjos, sa ilalim ng 10-taong kasunduan.
Sa ilalim ng kontrata, anumang permanenteng istrukturang itatayo ay magiging pagmamay-ari ni Luzuriaga pag natapos na ang kanilang pag-upa.
Sa paniniwalang paso na ang upa pagkalipas ng limang taon, tinanggihan ni Luzuriaga ang karagdagang mga bayad sa upa at pinapaalis na rin ang Dakak.
Hindi naman pinansin ng pamunuan ng resort ang hiling ni Luzuriaga at huminto rin sa pagbabayad ng upa, pero nagpatuloy ito sa paggamit ng lupa.
Binalewala rin ng Dakak ang hiling ng anak ni Luzuriaga na nakabili ng lupa, na lisanin ang ari-arian.
Ayon sa Supreme Court, walang karapatan sa pagtubos sa lupa ang Dakak dahil ginagamit ito sa komersiyal na layunin at hindi ito “rural” na lupain.
Hindi rin daw karapat-dapat ang Dakak na bayaran sa halaga ng mga ipinatayong istruktura at kailangan din kilalanin ang naunang kasunduan na ililipat ang pagmamay-ari ng lahat ng mga ito kapag natapos na ang upa.