Nagprotesta sa harap ng Korte Suprema ang Migrante International para hilingin na desisyunan na ang petisyon ng kampo ni Mary Jane Veloso na payagan siyang makunan ng testimonya mula sa kulungan sa Indonesia laban sa kanyang mga recruiter sa Pilipinas.
Nagsumite ang Migrante International ng “letter of appeal” sa Korte Suprema para suportahan ang petisyon ng kampo ni Veloso.
Si Veloso ang Pilipinang nahatulan ng death penalty sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking.
Sa susunod na linggo nakatakda ang pagdinig sa Nueva Ecija Regional Trial Court kung saan sa huling pagkakataon ay magpiprisinta ng testigo ang kampo ng prosekusyon kaugnay sa kasong human trafficking na kinakaharap ng mga recruiter ni Veloso na sina Ma. Cristina Sergio at Julius Lacanilao.
Iginiit ng Migrante International na biktima ng human trafficking si Veloso at karapatan nito na maging bahagi ng prosesong ligal laban sa kanyang mga trafficker.