
Binigyang-diin ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo na mahalagang usapin ng katarungan, dignidad, at karapatang pantao ang jail decongestion sa bansa.
Sa isinasagawang National Decongestion Summit, sinabi ng Korte Suprema na ang matinding siksikan sa mga kulungan ay humahadlang sa mabilis, makatarungan, at makataong paghatol.
Sumisira din ito sa layunin ng rehabilitasyon at reintegrasyon ng mga persons deprived of liberty (PDL).
Kaugnay nito, patuloy ang hudikatura sa pagtugon sa isyu ng jail congestion sa pamamagitan ng pagpapahusay ng bail rules, pagpapabilis ng pagdinig ng mga kaso at regular na jail visitation sa ilalim ng decongestion programs.
Isinusulong din ang paggamit ng continuous trial, video conferencing, judicial affidavits, at teknolohiya sa case management sa ilalim ng Strategic Plan for Judicial Innovations 2022 hanggang 2027.
Pinalalakas din ang ilang mga alternatibo sa mga makululong tulad ng plea bargaining at probation bilang bahagi ng mas makatao at makabagong criminal justice system.










