Korte Suprema, pinagsusumite ng memorandum ang magkabilang panig kaugnay sa pagkwestiyon ng pagpapaliban ng BSKE

Iniutos ng Korte Suprema na magsumite si Veteran Election Lawyer Romulo Macalintal, ang Commission on Elections (COMELEC) at ang Office of the President ng kani-kanilang memorandum matapos isinagawa ang oral arguments kahapon kaugnay sa pagkwestiyon ng pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Sa inilabas na dokumento ng Korte kagabi, binigyan ang mga ito ng 15 araw upang maisumite ito.

Mababatid na naghain si Macalintal ng petisyon na naghihimok sa Korte Suprema na maglabas ng cease and desist order sa COMELEC at Office of the President matapos isabatas ang Republic Act 11935.


Ito ay ang batas na naglilipat sa petsa ng BSK elections mula December 2022 papunta sa October 2023.

Inutusan din ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang COMELEC na isama sa kanilang memorandum ang posibleng petsa ng halalan sakaling maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang korte laban dito.

Kasunod ito ng isa pang petisyon na kumukwestiyon sa legalidad ng RA 11935 na inihain noong October 20.

Samantala, sa ginanap na oral arguments kahapon, sinabi ni COMELEC Chairperson George Garcia na itinigil na ng ahensya ang pag-imprenta ng mga balota na gagamitin sa halalan matapos pirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang naturang batas.

Dagdag pa ni Garcia, hindi na rin sila maka-usad sa pagbili ng iba pang election paraphernalia dahil dito bunsod ng kawalan ng legal basis upang bilhin ito.

Facebook Comments