Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Acting Provincial Director PCol. Julio Go ng Isabela PPO, itutuon muna nito ang kanyang pamumuno sa pagbibigay ng tuloy-tuloy na kapayapaan at pagtitiyak na ligtas ang publiko mula sa anumang hindi inaasahang insidente lalo pa’t nalalapit na ang halalan 2022.
Lahat aniya ng inisyatiba ay nakalatag na gaya ng enhance managing police operations, kampanya laban sa iligal na droga at kriminalidad maging ang anti-corruption.
Nito lamang Lunes, Enero 10, 2022 nang pormal na maupo bilang Provincial Director si PCol. Go na miyembro ng PNPA “Tanglaw-lahi” Class of 1999 at dating Chief ng Regional Anti-Cyber Crime Unit 2.
Nagsilbi rin siyang Detachment Commander ng Regional Mobile Group sa Sta. Ana, Cagayan noong taong 1999-2002.
Pinamunuan rin niya ang apat na istasyon ng pulisya sa Isabela tulad ng mga bayan ng Quezon, San Mateo, Alicia at San Mariano hanggang sa magsilbi itong staff officer ng tatlong departamento ng Isabela PPO.
Samantala, kabilang rin si Go sa mga napasama sa pagiging miyembro ng United Nations Mission in Liberia sa West Africa noong 2012-2013.
Pansamantala naman itong na-assigned sa Santiago City Police Office at Police Regional Office 4A bilang hepe ng Quezon Province hanggang sa maging Intelligence Officer ng Quezon PPO.
Sa huli, nadestino rin siya sa Zamboanga City bilang Chief ng Regional Anti-Cybercrime Unit 9.