Bumilib si Kris Aquino sa naging talumpati ni Pangulong Duterte sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes.
Sa kanyang Instagram post, ibinahagi ng ‘Queen of All Media’ ang reaksyon ukol sa SONA ni Duterte.
Panimulang mensahe ni Kris, pinanood niya ng buo ang SONA ni Duterte.
“Bakit si President Duterte kayang bigyang halaga ang hinaing ng lahat ng mga tao? Sa malalang traffic? Sa mahirap na pagbayad sa SSS, Pag-Ibig, Customs, etc. Umaksyon sya at tinanggal yung mga palpak at corrupt sa Philhealth.”
Ayon kay Duterte, dismayado siya sa mga opisyales ng PhilHealth dahil sa paggamit umano ng pondo para sa “ghost dialysis treatments”.
Kamakailan, ibinuko ng dating empleyado ng WellMed Dialysis Center sa Quezon City na naghahain ang pasilidad ng claim sa PhilHealth kahit sumabilang buhay na ang mga pasyenteng ginagamot.
Pinuri din niya ang pagiging totoo ni Duterte kaugnay sa estado ng pagsugpo ng korapsyon sa tatlong taon nitong pamumuno.
Matatandaang nanawagan ang Presidente sa taumbayan na kung makatagpo ng mga korap na pulitiko, gumawa sila ng eksena.
“Sinabihan tayo na pag may nakitang mali, karapatan nating mag reklamo at mag ingay dahil tayo ang nagpapa sweldo at nagpapa-andar sa gubyerno. Bakit yung pinaka makapangyarihan kayang umamin sa taong bayan na marami pang dapat ayusin? Matapang na umamin in 35 years sya mismo nahirapang labanan ang corruption.”
Aminado si Kris na humanga siya ng husto kay Duterte.
“Kaya sana, tumulad na lang tayo sa pagka AUTHENTIC ni Presidente Duterte, hindi nagyayabang, direcho magsalita. We keep saying we deserve a better country, that starts with accountability. We can have a better [Philippines] BUT that starts with us,” sambit ng dating TV host.
Si Kris ay nakababatang kapatid ni dating Pangulong Benigno ‘Nonoy’ Aquino III na kasalukuyang Chairman Emeritus ng Liberal Party.