Kasalanan umano ng isang kuhol ang power outage na sanhi ng pagtigil ng mga tren at pagkaantala ng byahe ng 12,000 pasahero sa Kyushu region, ayon sa Kyushu Railway Co.
Pumalya ang kuryente sa dalawang linyang sinserbisyuhan ng JR Railway sa southern Japan nito lamang Mayo 30.
Dahil dito, napilitan ang kumpanya na i-cancel ang byahe ng 26 na tren at i-delay ang iba pang serbisyo, na malaking isyu sa bansang kilala sa pagiging maagap at laging nasa oras na transport system.
Ilang linggo matapos ang insidente, sinabi ng JR Kyushu na isang kuhol na nakapasok sa electrical power device na nakalagay malapit sa riles ang salarin.
Ayon sa mga ulat, natusta ang kuhol matapos mag short-circuit ang device.
Sinabi ng opisyal ng railway na madalang ang ganitong insidente at ang karaniwan lang nilang problema ay mga usa na bumabangga sa tren.
Sinuri na rin ng kumpanya ang iba pang power devices kung may nakapasok ding kuhol.