Cauayan City, Isabela- Kukunan nalang umano ng larawan ang indibidwal na hindi susunod sa health protocol gaya ng hindi pagsusuot ng face mask at face shield.
Ito ang binigyang diin ni G. Edwin Asis, Market Administrator at miyembro ng Apprehension team ng lokal ng pamahalaan ng Cauayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Asis, kapag nakuhanan umano ng larawan ang isang tao na hindi nagsusuot ng panangga sa virus at kapag muling binalikan na hindi pa rin sumunod sa health protocol ay maaaring damputin nalang ng apprehending team sa ilalim ng Executive Order no.70 ni Mayor Bernard Dy.
Base sa mga naunang obserbasyon ng grupo ni Asis, kapag wala na umano ng kanilang hanay sa lugar kung saan nag-iikot ay tinatanggal umano ng mga indibidwal ang kanilang face shield habang ibinababa naman ang face mask, bagay na kailangang isuot para makaiwas sa nakakahawang sakit.
Samantala, pinuri naman ni Asis ang palagiang partisipasyon ng kapulisan sa pagpapatupad ng kautusan upang masigurong masusunod ng tama ang mga ibinababang kautusan ng lokal na pamahalaan.