Bulacan – Inaresto ng mga tauhan ng PNP Counter Intelligence Task Force ang tatlong pulis dahil sa iligal na pagsasabong o tupada sa San Jose Del Monte Bulacan kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga nadakip na pulis na sina Police Officer 2 Michael Somido, nakatalaga sa National Capital Region Police Office, Police Officer 1 Raymond Meneses nakatalaga sa Caloocan City Police Station at Police Officer 1 Rhovel Araceli nakatalaga sa Northern Police District (NPD).
Nakuha kay Somido ang kanyang issued firearm na 9mm glock pistol, at kay Meneses ay 9mm Beretta pistol.
Ayon kay PNP CITF Spokesperson Police Chief Inspector Jewel Nicanor alas-10:00 ng umaga kahapon nang isagawa ang entrapment operation sa isang sabungan sa Heroesville Subdivision, Barangay Gaya-Gaya, San Jose Del Monte Bulacan.
Habang ang mga empleyado ng gobyerno ay kinilalang sina Albert Delos Reyes, traffic aide ng San Jose Del Monte, Bulacan, nakuha sa kanya ang isang 1 Bersa Thunder cal 40 pistol; at Almelito Bascon, staff ng sangguniang panlalawigan ng San Jose Del Monte, Bulacan.
Arestado rin ang isang sibilyan na kinilalang si Rodrigo Gojo Cruz, na nagsisilbing collector.
Narekober sa lugar ang limang piraso ng panabong na manok.
Sa ngayon nasa kustodiya na nang PNP CITF ang mga naarestong pulis at sibilyan para sa pagsasampa ng kaso.