Manila, Philippines – Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko laban sa pagbili at paggamit o pag inom ng pekeng Biogesic Paracetamol 500-milligram tablets.
Sa abiso ng FDA, pinag-iingat ang lahat ng health care professionals maging ang publiko dahil sa makasasama sa kalusugan kung maiinom ang nasabing pekeng gamot.
Malaki ang pinagkaiba ng authentic product at pekeng produkto tulad ng tablet color, foil packaging pattern, foil material at printed markings.
Kung kaya’t nananawagan ang FDA na maging maingat at mapanuri kapag bibili ng naturang paracetamol.
Ayon sa FDA, ang importasyon at pagbebenta ng mga pekeng gamot ay maliwanag na paglabag sa Republic Act No. 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009 at Republic Act No. 8203 o Special Law on Counterfeit Drugs.