Nanindigan ang Department of Social Welfare and Development o DSWD na walang katotohanan ang kumakalat na balita kaugnay sa pamamahagi ng educational assistance ng kanilang tanggapan.
Ayon sa DSWD, fake news ang napaulat sa mga social media platform na muling magbibigay ng educational assistance sa mga mag-aaral ang kagawaran.
Paliwanag ng DSWD na ang nasabing tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS Program ay wala pang katiyakan kung kailan ito magsisimula.
Sa kasaluyan ang ‘Tara, Basa!’ Tutoring Program ng DSWD na ginagamitan ng Cash-For-Work program na isang intervention para sa mga pamilyang may mababang kita na nasa mahirap na kalagayan.
Hinihikayat ng DSWD ang publiko na i-report ang mga account na gumagamit ng kanilang pangalan at logo partikular ang mga account na naglalabasan sa Facebook kung saan, kumakalat ang mga maling impormasyon.
Dapat din na kilatising mabuti at i-verify muna ang mga nababasa online at huwag magtiwala o magpaloko sa mga content na hindi nanggaling sa credible at reliable source dahil maaari lamang silang mabiktima ng scam.