Kumakalat na impormasyon ukol sa magiging komposisyon ng liderato ng Senado sa ilalim ng susunod na administrasyon, isinantabi lang ni Senator Zubiri

Masyado pang maaga para kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na pag-usapan ngayon ang magiging komposisyon ng liderato ng Senado sa ilalim ng susunod na administrasyon.

Ayon kay Zubiri, ito ay dahil wala pang opisyal na proklamasyon ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga nagwagi sa katatapos na halalan.

Batay sa partial/unofficial counting, si Zubiri ay pangwalo sa mga senador na kasama sa 12 nagwagi nitong eleksyon.


Diin ni Zubiri, marami pang dapat gawin at mas mainam na itutok ang enerhiya sa mga kinakaharap na pagsubok ng bansa lalo’t nasa gitna pa rin tayo ng pandemya.

Paliwanag pa ni Zubiri, base sa tradisyon ay ang mga senador na nabibilang sa mayorya ang magdedesisyon kung sino ang ihahalal nilang opisyal at mamumuno sa Mataas na Kapulungan.

Base sa kumakalat na hindi pa kumpirmadong impormasyon ay mananatiling majority leader si Zubiri sa papasok na 19th congress, habang si Senator Cynthia Villar naman umano ang uupong Senate President at Senate President Pro Tempore naman si Senator Imee Marcos.

Facebook Comments