Manila, Philippines – Iniimbestigahan na ng PNP kung totoo o hindi ang Memorandum na kumakalat ngayon sa Social Media na galing sa Valenzuela PNP na may banta ng seguridad sa Metro Manila.
Ayon kay PNP Spokesperson PCSupt. Dionardo Carlos, iniutos na kay Pcsupt Roberto Fajardo ng Northern Police District ang pag-iimbestiga sa insidente.
Makikita sa Memo ang banta ng pagpapasabog ng Maute Group sa Metro Manila.
Paliwanag ni Carlos, wala silang namomonitor na banta sa seguridad sa Metro Manila.
Dahil kung mayroon mang Verified Information ay agad nila itong ihahayag sa publiko.
Binalaan naman ng pamunuan ng PNP ang kanilang mga opisyal at tauhan na humahawak sa mga Internal Security Document na maging maingat upang hindi ito lumabas sa publiko.
May katapat aniyang parusa ang hindi awtorisadong paglalabas ng mga Internal Memorandum na para sa kanila lamang.
Matatandaan na may nauna nang lumabas na Memo sa PNP Maritime Group sa Aklan na may listahan ng mga sasakyan na may mga dalang Improvised Explosive Device o IED na dadaan sa RORO kasunod ng kaguluhan sa Marawi City ngunit nagnegatibo ang nasabing impormasyon.