Kumakalat na online advertisement ng programang TUPAD ng DOLE, pinabulaanan ng ahensya

Nanawagan ang Department of Labor and Employment o DOLE sa publiko na huwag magpaniwala sa mga kumakalat na online advertisement ng programang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers.

Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na may tamang proseso sa pag-apply sa TUPAD at hindi rin ito idinadaan sa online.

Nabatid na nag-o-offer umano ang mga nasabing advertisement ng financial assistance sa mga estudyante, pero kailangan muna nilang mag-sign up sa online application.


Ayon kay Laguesma, posibleng magdulot lamang ito ng scam sa mga maeengganyo.

“Hindi po ganito ang sistema. Huwag po tayong maniwala sa anuman pong lumalabas na mga advertisment na mayroon na pong deadline, mag file kayo ay ito yung mga kailangan niyo…”

“Ang aking nais pong i-suggest mag-tanong po tayo sa pinaka malapit na Department of Labor Employment Office. Meron po sa mga probinsiya meron din pong mga field offices.”

Kaugnay nito, nagbabala rin ang kalihim na pananagutin nila ang sinumang magtatangka na manamantala sa kanilang programa.

“Huwag po kayong magpakatiyak na magpapatuloy itong ganitong mga maling gawain at kami po talaga ay maghahabol talaga sa inyo sa tulong po ng ating law enforcement agencies. Wag po nating sirain ang isang programa na kumita lang tayo ng halaga at the expense of those na dapat po nating matulungan at pangalagaan.”

Facebook Comments