Wala pang desisyon ang Korte Suprema kaugnay sa legalidad ng “No Contact Apprehension Policy” o NCAP.
Ito ang paglilinaw ng Korte Suprema sa gitna ng kumakalat na text message na nakasaad na may mga traffic violation sila sa ilalim ng NCAP.
Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting, sumasailalim pa rin sa deliberasyon ng en banc ang NCAP.
Nakalagay rin sa mensahe na kailangang bayaran agad ang violation sa isang kahina-hinalang website upang hindi masuspinde ang driver’s license.
Matatandaang 2022 nang maglabas ng temporary restraining order ang Supreme Court habang pinag-aaralan pa kung labag sa konstitusyon o hindi ang NCAP.
Iginigiit kasi ng mga naghain ng petisyon na nilabag ng NCAP ang right to privacy ng mga motorista dahil maaaring makita ang violation ng isang sasakyan kapag inilagay ang plate number nito sa website.