Kinontra ng mga senador ang kumakalat na balitang magpapalit ng Senate leadership sa pagbubukas ng 2nd regular session sa July 24.
Matatandaang umpisa pa lang ng pamumuno ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Senado ay kumalat na noon pa ang ‘coup plot’ laban sa kanya na iniuugnay sa mga stand nito sa charter change at sa alegasyon ng mababang productivity ng Mataas na Kapulungan.
Ayon kay Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito, walang katotohanan ang balitang ito at sa katunayan ay kuntento ang mga senador sa paraan ng leadership ni Zubiri.
Kung tutuusin aniya ay masyadong malaki ang papel na ginagampanan ni Zubiri kaya sa kanyang tingin ay walang sinuman ang mangangahas na agawin ang Senate leadership.
Duda naman si Senator Sonny Angara, mangyayari ang pagpapalit ng liderato ng Senado dahil katunayan ay gusto ng lahat nang mga senador si Zubiri na inilarawan niyang ‘very professional’ at ‘consultative’ ang pamamaraan.
Aniya pa, maging ang mga katuwang ni Zubiri sa liderato na sina Senate President Pro Tempore Loren Legarda at Senate Majority Leader Joel Villanueva ay mahuhusay din sa kanilang mga tungkulin.
Sinabi naman ni Senator Robinhood Padilla na wala siyang nakikitang kulang kay Zubiri at sa katunayan ay istrikto ito sa kanilang mga mambabatas lalo na kapag may mga panukalang batas na kailangang talakayin at maipasa.
Kahit sa paningin ng marami ay sobrang mabait si Zubiri, lumalabas naman ang pagiging diplomatic at ang authority nito bilang isang lider kapag sila-sila lang mga mambabatas kaya naman ganoon na lamang din ang pagsunod at respeto ng lahat sa Senate president.