KUMBINSIDO | Radical na pagbabago, solusyon sa lasong pulitika sa bansa – ayon sa isang pari

Manila, Philippines – Kumbinsido ang isang pari na kailangan na ang radikal na pagbabago sa pulitika sa bansa upang malutas ang suliranin sa kahirapan ng mga mamamayan.

Ayon kay Father Raul Enriquez, dating Secretary General at tagapagsalita ng Religious group na GOMBURZA at Convenor ng Mga Paring Laudato Si, dapat aminin ng lahat na kaya naging sobra ang kahirapan, ang kamangmangan at malaking agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap ay dahil sa pulitika na tinawag niyang lason na hindi dapat tanggapin ng mga mamamayan.

At dahil aniya ang pulitika ay lason kailangang gumawa ng paraan upang mawala ang lason at magkaroon ng bagong sistema, bagong istraktura na nagmumula sa mga mamamayan.


Dapat aniyang maisip ng publiko na ang bunga ng magulong takbo ng pulitika ang nararanasang labis na kahirapan at malaking agwat sa buhay ng mga mahihirap at mga mamamayan.

Naniniwala rin si Father Enriquez na magkakaroon lamang ng pagbabago sa bansa kung magkakaroon ng radikal na pagbabago sa larangan ng pulitika, sa sarili ng bawat mamamayan sa pamamagitan ng pagsisisi, paghingi ng awa at pagbabalik-loob sa Panginoon.

Binigyan diin ng Pari na dapat tanggapin ng bawat Filipino na mayroong matinding problema na kinahaharap ang bansa at hindi ito matutugunan ng pulitika kundi ng radikal na pagbabago.

Facebook Comments