*Cauayan City, Isabela-* Humiling ng sampung araw na ekstensyon ang kumpanyang Enjoy shopping Center Corporation (ECC) Cauayan Branch sa pamahalaang panlungsod upang makumpleto ang mga dokumento na dapat isumite para sa business permit nito.
Ito ay matapos ang ibinigay na tatlong araw na palugit ng ECC kaugnay sa nakasaad sa demand letter ng City Business Permits and Licensing Office mula noong January 7, 2019 hanggang January 9, 2019.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay City Administrator Jose Abad, sinabi nito na may nakahandang notice for closure order kahapon ng umaga ngunit nitong January 9 ay tumawag umano ang representative ng may ari ng ECC na si Gilbert Ngo kay Vice Mayor Leoncio Dalin Jr. Upang humingi ng extension.
Ipinaliwanag umano ni Mr. Ngo na kasalukuyang inaayos ang kanilang pagbabayad ng obligasyon sa SSS, Philhealth at Pag-ibig kung saan ito rin ang mga kaukulang dokumento na kulang sa kanilang unang pagkuha ng business permit noong 2018.
Giit pa ni Ngo na hindi pa anya naiproproseso ng SSS, Philhealth at Pag-ibig ang kanilang kontribusyon nitong nakaraang buwan ng Disyembre na siya namang hinihintay ng naturang kumpanya.
Dahil dito ay ipinagliban muna ang pagpirma ni Vice Mayor Dalin Jr. sa closure order sa ECC Cauayan Branch.
Samantala, ipinaliwanag umano ni Gilbert Ngo kay City Admin Abad na nagkaroon lamang ng hindi pagkakaunawaan at pagkukulang ang namamahala ng ECC Cauayan Branch kung saan ito lamang ang may problema kumpara sa ibang sangay ng ECC.