KUMPIRMADO | DFA, kinumpirmang isang OFW ang napatay ng mga awtoridad sa Saudi

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang Overseas Filipino Worker (OFW) ang napatay matapos mabaril ng security guard sa pinapasukan niyang kumpaniya sa Farasan Island, Saudi Arabia.

Hindi muna pinangalanan ng DFA ang biktima habang ipinapaalam pa sa kaniyang mga kamag-anak sa Pilipinas ang nangyari.

Ayon kay Consul General Edgar Badajos, unang sinaksak ng naturang OFW ang kasamahan nitong Pakistani matapos silang magtalo.


Aniya, sunod namang sinaksak ng naturang OFW ang manager nito na isang Saudi national gayundin ang iba pang katrabaho nila na umawat lang.

Agad namang rumespundi ang security ng kumpaniya dahilan para mabaril at mapatay ang OFW.

Makalipas naman ang ilang minuto, binawian rin ng buhay ang Pakistani at ang manager ng nasabing OFW.

Sabi ni Badajos, nagpadala na sila ng team sa Jizan para kumalap pa ng ibang impormasyon hinggil sa insidente.

Nangako naman ang konsulada na tutulungan ang pamilya ng OFW para mauwi ang labi nito sa Pilipinas.

Facebook Comments