Manila, Philippines – Kinumpirma ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na tinanggal na nga bilang Chairman at miyembro ng National Food Authority o NFA Council si Secretary to the Cabinet Secretary Leoncio Jun Evasco Jr.
Ayon kay Roque, ito ang napagdesisyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naganap na meeting kasama ang reorganized NFA Council kahapon.
Sa pahayag naman ni Secretary Evasco ay nagpapasalamat ito sa tiwala ni Pangulong Duterte at iginagalang nito ang desisyon ng Pangulo na tanggalin siya bilang Chairman ng NFA Council.
Sinabi din naman ni Roque na hindi mabubuwag ang NFA Council, pero kumalas lamang bilang miyembro ang Development Bank of the Philippines o DBP at pinalitan naman ito ng Department of Social welfare and Development.
Napagdesisyunan naman aniya sa pulong ang pagaangkat ng bansa ng 250 libong metric tons ng bigas sa pamamagitan ng Government to Government transaction at inaasaahang darating ito sa loob ng isang buwan.
Inilipat narin naman sa Department of Agriculture ang pangangasiwa sa NFA pati na ng Fertilizer and Pesticides Authority at Philippine Coconut Authority.