Inihayag ng pamunuan ng Navotas City government na umabot na sa 900 ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod ng Navotas matapos makapagtala ng 15 panibagong kaso.
Ayon kay Navotas City Mayor Toby Tiangco, higit kalahati o 57 porsyento nito ang active cases at isa naman ang nadagdag sa gumaling at nakauwi na sa kanilang tahanan.
Naiintindihan niya na marami na ang lumalabas para magtrabaho subalit ang hindi katanggap-tanggap ay marami na ang tumatambay at naglalaro sa labas, partikular na mga menor de edad.
Binanggit din ni Tiangco na puno na sa ngayon ang kanilang community isolation facility at ang mga bagong pasyente ay dadalhin na sa ibang pasilidad sa labas ng lungsod.
Base sa datos, 85% sa mga pasyente ay Asymptomatic kung saan wala ang mga itong nararamdang ubo, sipon, lagnat at iba pang sintomas ng COVID-19.
Hanggang kahapon ng hapon, nasa 516 na ang active cases ng COVID-19 sa Navotas City, 325 ang naka rekober na at 59 ang namatay mula sa kabuuang 900 kumpirmadong kaso sa lungsod.