Ipinagpaliban ng Committee on Labor, Employment, Social Welfare, and Migrant Workers ng Commission on Appointments ang kumpirmasyon para sa ad interim appointment ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo.
Ngayong tanghali ay nagmosyon si CA Majority Leader at Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na i-defer ang kumpirmasyon sa ad interim appointment ni Tulfo dahil sa dalawang isyung binanggit ni 1-SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta tungkol kay Tulfo, ang citizenship at ang conviction sa libel case ng kalihim na hinatol noon ng Pasay Regional Trial Court.
Bago humantong sa pagpapaliban sa kumpirmasyon ni Tulfo, halos isang oras ding nag-executive session ang komite para pag-usapan ang isyu base na rin sa hiling ng kalihim.
Kanina, sinagot ni Tulfo ang isyu ng pagiging convicted sa kaso na aniya ay nangyari dahil sa pagtupad sa kanyang trabaho bilang mamamahayag.
Pero giit ni Marcoleta, hindi pa rin mababago ang sitwasyon na nahatulan ito sa kaso lalo pa’t ang libel case ay may kinalaman sa ‘moral turpitude’
Inusisa rin ni Marcoleta ang status ng ‘citizenship’ ni Tulfo dahil napag-alaman na ito ay naging enlisted ng US Army mula 1988 hanggang 1992 at nasa active military service na naka-station sa Europe mula 1992 hanggang 1996.
Maliban sa pagiging enlisted sa US Army ay tumira rin si Tulfo sa Amerika ng ilang taon at nakapagtrabaho sa isang grocery store bago napunta sa US Department of Defense.