Manila, Philippines – Kumpiyansa ang kampo ni Kerwin Espinosa na napagtibay nila na wala itong kinalaman sa transaksyon ng iligal na droga sa Albuera Leyte.
Sa ginawang hearing kanina sa Manila Regional Trial Court Branch 26 sa sala ni Judge Silvino Pampilo Jr, sumalang si P/Chief Inspector Daryll Chua na siyang signatory o nag request ng Search Warrant para sa bahay ng dating alkalde ng Abuera na si Ronaldo Espinosa.
Ayon sa abogado ng depensa na si Atty. Jesus Obejero Jr. malinaw sa mga naging pahayag ni Chua na walang kinalaman si Kerwin sa nasabing pagsalakay kahit pa sabihin na tatay nito ang mismong salarin.
Kasabay nito ay nilinaw din ni Obejero na wala ring epekto ang ginawang pag amin ni Kerwin sa Senado noong tumistigo ito hinggil sa transaksyon sa nasabing lugar.
Paliwanag ni Obero ang batang Espinosa, bagamat naka Under Oath ay binigyan naman ng Immunity sa Senado dahilan para hindi pwedeng gamitin laban sa kanya ang mga impormasyon na kanyang isiniwalat noon.
Maliban dito ay nagsumite din ang kampo ni Espinosa ng panibagong Urgent Ex-Parte Motion for Issuance of Commitment Order.
Batay sa dalawang pahinang Mosyon na inihain ni Atty Obejero Jr, iginiit na malalagay sa matinding panganib ang buhay ni Kerwin kung ililipat siya ng piitan mula sa NBI Detention Facilities patungo sa ibang piitan o sa Makati City Jail.
Katwiran ng kampo ni Kerwin, na sa naunang Ruling ng Korte Suprema,kinikilala ang mga pagbabanta sa buhay ni Kerwin maging sa usapin ng pagbibiyahe pa lamang sa akusado mula Maynila patungong Baybay Leyte kayat pinayagan ng Korte na manatili ito sa NBI.
Matatandaan na isang panibagong kaso na may kinalaman sa illegal na droga ang inihain laban kay Espinosa sa Makati RTC kayat nangangamba ang kampo nito na maglabas ng panibagong Commitment Order ang Hukuman.
Itinakda naman ang susunod na Hearing sa August 17 at 24 ganap na alas 8:30 ng umaga sa Manila RTC Branch 26.