Manila, Philippines – Kumpyansa ang kampo ni Senator Leila de Lima na kakatigan ng korte ang urgent motion nito hinggil sa pagdalo sa graduation ceremony ng kanyang bunsong anak.
Ayon kay Atty. Boni Tacordon, Legal Counsel ni De Lima napaka importanteng okasyon ang graduation kaya at naniniwala itong kakatigan ng korte ang kanilang hiling.
Katwiran pa nito kung sina Senator Jinggoy Estrada at Senator Bong Revilla na noon ay humiling ng pansamantalang kalayaan ay pinagbigyan ng korte lalo na siguro si De Lima na magtatapos sa abugasya ang anak.
Kinakailangan lamang aniya nilang magsumite ng eksaktong oras ng paglabas ni De Lima, kung anong oras ang graduation rites at kung hanggang anong niya nais makasama ang pamilya para sa selebrasyon.
Maging ang prosekusyon ay kinakailangang magkumento sa loob ng 5 araw.
Nabatid na magtatapos ng abugasya ang anak nitong si Vincent Joshua de Lima Bohol sa San Beda College, Alabang sa Hunyo a-3.
Ang nasabing commencement exercises, ay naka schedule mula alas dos ng hapon hanggang alas siete ng gabi.