Kumukonsumo ng Kuryente na 15 kwh Pababa, Ililibre ng ISELCO II ng Isang Buwan!

Cauayan City, Isabela- Hindi na pababayaran ng Isabela II Electric Cooperative (ISELCO II) ang electric bill ng mga consumer owners na kumukonsumo ng 15 kilowatt per hour pababa ngayong buwan lamang ng Abril.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Liborio Medrano, Finance Manager ng ISELCO II, mayroon mahigit 3 milyong consumers ang makikinabang sa Pantawid Liwanag Program ng National Electrification Administration (NEA) na para sa mga maliliit na consumer o sa mga ‘Lifeline consumers’.

Ayon kay Ginoong Medrano, bibigyan ng coupon ang mga malilibre ng kuryente sa isang buwan na magsisilbing pambayad at ipapakita sa kanilang mga tanggapan.


Sa mga consumer owners naman na hindi pa kayang bayaran ang electric bill sa buwan ng Marso at Abril ay maaaring bayaran sa mga susunod na buwan.

Nilinaw ni Ginoong Medrano na hindi mapuputulan ng kuryente sakaling hindi pa mabayaran ang bill ngayong Abril subalit kung may mga buwan aniya na hindi nabayaran ng isang consumer bago maipatupad ang ECQ ay mapuputulan ng kuryente.

Kaugnay nito, maaaring makipag-ugnayan sa mga pinakamalapit na tanggapan o sa mismong opisina ng ISELCO II kung may mga problema sa pagbabayad ng bill sa kuryente.

Facebook Comments