Camp Melchor F dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela – Sumuko ang isang kasapi ng kadedeklara lamang na terroristang grupo na New People’s Army sa Lalawigan ng Kalinga bandang alas nuebe ng umaga kahapon ng Enero 8, 2018.
Ang rebelde ay nakilalang si Noel Omang, alyas “INCHA”, 22 anyos, walang asawa at tubong Bagumbayan, Tabuk City, Kalinga.
Ayon sa kalatas na ipinaabot ni Army Captain Jefferson Somera, ang pinuno ng Division Public Affairs Office o DPAO ng 5ID, PA, si Omang ay aktibong miyembro ng squad tres ng KLG Baggas ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) na gumagalaw sa Lalawigan ng Kalinga.
Ang rebelde ay boluntaryong sumuko kay LTC Martin S Daiz Jr, Commanding Officer ng 50th Infantry Battalion sa mismong headquarters nito na matatagpuan sa Barangay Camalog, Pinukpuk, Kalinga.
Tiniyak naman ng LTC Daiz Jr na maibibigay kay Omang ang mga benipisyo na nakalaan sa mga sumukong rebelde sa ilalim ng Comprehensive Local Integration Program (CLIP) ng pamahalaan.
Si Omang ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Headquarters, 50IB habang ginagawa ang kaukulang dokumentasyon.
Ayon pa kay LTC Daiz Jr, sumuko umano si Omang matapos niyang mabalitaan ang CLIP mula sa kanyang mga kamag-anak na nakinig sa mga information campaign ng kasundaluhan.
Ibinahagi ni LTC Daiz Jr na sa kaniyang pakikipag-usap kay Omang ay apat nang taon umano ito sa kilusan at ang katotohanan daw ay gusto na rin ng mga kasamahan niya ang sumuko dahil nawalan daw sila ng bilib sa organisasyon ng mga kumunista ngunit tinatakot lamang sila ng kanilang pinuno.
Ikinatuwa naman ni BGen Perfecto M Rimando Jr, ang Commanding General ng 5ID, PA ang naturang balita at kanyang sinabi na ang mga ginagawang pagsuko ng mga rebelde dito sa Cagayan Valley at Cordillera ay pagpapakita lamang na nakaka-abot na sa mga rebelde ang mensahe ng kapayapaan ng AFP.
Ang naturang mensahe umano ay umaantig na sa tabingi nilang paniniwala sa doktrinang kumunismo.
Idibagdag pa ni BGen Perfecto M Rimando Jr na yaman din lamang na ang mga mamamayan na ang naghahatid impormasyon sa gobyerno tungkol sa kalagayan at kinalalagyan ng mga rebelde ay kanyang hinikayat na sumuko na lamang sila at makibahagi sa mga programang pang-kumunidad.
Sabi pa na mas mainam na ayusin na lamang ang pagkakasalungat sa payapang paraan yaman din lang na pareho tayong mga Pilipino dagdag pa ni BGen Rimando.