Kung sumabog ng malakas: Talisay vice mayor, handang magpaalay sa bulkang Taal

Handa umanong magpaalay si Talisay City vice mayor Charlie Natanauan sa bulkang Taal kung sakaling pumutok ito ng malakas.

Ito ang matapang na sagot ng bise-alkalde sa banta ni PNP-Region 4A Chief Brig. Gen. Vicente Danao Jr. kaugnay sa isyung kinukumbinse niya ang mga residente na bumalik sa naturang bayan.

Sa panayam kay Natanauan, sinabi niyang puwede siyang magsakripisyo para huminto na ang pagsabog ng Taal Volcano.


Pero buwelta ng lokal na opisyal, hindi siya papayag na i-alay sa bulkan kapag mahina lamang ang pag-aalboroto nito.

Ayon pa sa bise-alkalde, hindi niya pinapairal ang katigasan ng ulo subalit marami na daw siyang kababayang na-trauma bunsod ng sunod-sunod na babala ng Phivolcs.

Matatandaang kinuwestiyon ni Natanauan si Phivolcs Director Renato Solidum sanhi ng prediksyon nitong mas malakas at peligrosong pagsabog ng Taal Volcano.

“Wala pang nakapag predict sa buong mundo kahit scientist sa pagputok ng bulkan. Bakit naman nasabi niya, siya ba ay Diyos?” hirit ng pulitiko kay Soldium.

Dahil sa naging hirit ng bise-alkalde, nakiusap si Danao na huwag nang mang-udyok pa at maari siyang maparusahan kapag may nangyaring masama sa mga nasalanta.

Facebook Comments