Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na kakaunti na lamang ang electric capacity na kailangang i-restore sa mga lugar na sinalanta kamakailan ng Bagyong Quinta at Rolly.
Sa pagdinig ng Committee on Energy sa Kamara, sinabi ni Electric Power Industry Management Bureau Director Mario Marasigan na minimal lang ang naging epekto ng kalamidad sa power facilities dahil bago pa man tumama ang bagyong Quinta at Rolly sa bansa ay nakapaghanda na ang lahat ng energy sector.
Sinabi nito na sa 2,546 megawatts power capacity na apektado sa Southern Luzon, aabot na lamang sa 267 megawatts ang hindi pa naibabalik o nare-restore.
Batay rin sa kanilang November 9, 2020 update, karamihan sa mga electric facilities ay naibalik na ngunit nagkakaproblema naman sa transmission line.
Paliwanag ng opisyal, hindi agad mabigyan ng kuryente ang mga residente dahil hindi pa handa ang distribution at load site.
Samantala, 76.8% ng oil facilities sa Bicol Region ay operational na at may sapat na ring oil supply ang Catanduanes na matinding hinagupit ng bagyo.
Aabot naman sa ₱330 million ang total damages sa Bicol Region kaya umaapela ang DOE sa Kamara na tulungan ang ahensya para sa budget augmentation para tugunan ang kalamidad lalo na ang energy resiliency fund.