KUSANG LOOB | 2 sa 4 na indibidwal na pinako-contempt ng Senate Blue Ribbon Committee, sumuko

Manila, Philippines – Sumuko na ang dalawa sa apat na indibidwal na pina-contempt ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ito ay dahil sa hindi nila pagsipot sa mga pagdinig ng komite hinggil sa smuggling ng daan-daang shabu.

Kabilang sa mga sumuko si Marina Signapan, may-ari ng SMYD Trading na consignee ng apat na magnetic lifters na nakita sa Cavite.


Nabatid na dalawang beses nang na-contempt si Signapan kung saan iginiit niya na binayaran siya ng P180,000 para maging consignee ng shipment.

Nagpunta rin sa Senado si Emilyn Luquingan, na dating misis ng isang Chinese national na nakitang pumasok sa warehouse sa Cavite kung saan nakita ang mga magnetic lifters.

Tinangka rin ng dating asawa ni Luquingan na ipa-ship muli pabalik ng China ang nasabing mga magnetic lifter.

Ayon kay Senator Richard Gordon, chairman ng komite, nakausap na niya si Luquingan na marami siyang nakuhang impormasyon rito.

Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad sina dating PDEA Director Ismael Fajardo at dating pulis na si Senior Superintendent Eduardo Acierto.

Facebook Comments