Manila, Philippines – Ipinaubaya na ni Senator Risa Hontiveros sa Senado ang kostudiya ng tatlong testigo sa pagpatay kay Kian Loyd Delos Santos.
Resulta ito ng motion ni Hontiveros na tinanggap ni Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ping Lacson at inaprubahan ni Senate President Koko Pimentel.
Dalawa sa tatlong testigo ay magpinsan at parehong menor de edad, isang 13 at 16 anyos.
Dahil dito ay pinagbigyan ng komite na makasama ng 13 anyos ang kanyang mga kapatid sa senado.
Samantala, hindi naman natuloy ang executive session para kuhanin sana ng komite ang testimonya ng nabanggit na tatlong testigo.
Ayon kay Senator Honitveros, nagdesisyon kasi si Senator Lacson na hingan muna ng notarized written authorization ang ina ng 13 anyos na testigo na nasa Oman.
Ang nabanggit na request ay idadaan ng Senado sa Philippine Embassy Sa Oman.
Kaugnay pa rin nito, ay binigyang diin ni Hontiveros na hindi niya pinilit na sumama sa kanya ang nabanggit na testigo.
Kwento ni Hontiveros nang dumalaw siya sa lamay ni Kian ay sinabi ng ama nito na may mga testigo na nais makipagtulungan pero natatakot para sa kanilang seguridad dahil nakakatanggap na sila ng pagbabanta sa kanilang buhay.
Tumatayong legal counsel ng tatlong testigo si Atty. Christia Sheine Girao ng IBP.