Kwestyunableng bidding process sa pagbili ng laptop ng DepEd, pinabubusisi sa Kamara

Naalarma si Deputy Speaker Bernadette Herrera sa kwestyunableng bidding process ng Department of Education (DepEd) sa pagbili ng 39,000 laptop computers para sa mga guro.

Bunsod nito ay hiniling ni Herrera sa Kamara na imbestigahan ang maanomalyang bidding process ng ahensya sa procurement ng libu-libong laptops.

Giit ng kongresista, labag at taliwas sa mandato ng Government Procurement Reform Act ang ginawang bidding ng DepEd dahil ang kontrata para sa suplay at delivery ng laptop computers ng mga public school teacher ay hindi ini-award sa pinakamababang bidder kundi ito ay ibinigay sa pangalawang lowest bidder.


Batay aniya sa impormasyong kanilang nakuha, mas mataas ng P167 million ang bid ng second lowest bidder na aabot sa P2.3 billion.

Lalo namang ikinadismaya ng mambabatas nang malaman na ang malaking diperensya sa presyo ng laptop ay dahil lamang sa bag nito at hindi ng mismong gadget.

Nagdududa si Herrera dahil bukod sa bag at hindi sa specs ng laptop ang batayan sa pag-award ng kontrata ay nadiskwalipika rin ang lowest bidder dahil lamang sa hindi pagsunod sa requirements kabilang na dito ang specification ng laptop bag.

Facebook Comments