Kwestyunableng pagpili ng PAGCOR sa third-party auditor na susuri sa kita ng mga POGOs, pinasisilip sa Blue Ribbon Committee ng Senado

Naghain ng resolusyon sa Senado si Senator Sherwin Gatchalian para paimbestigahan sa Blue Ribbon Committee ang kwestyunableng pagpili ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ng third-party auditor nito o iyong kinuhang tagasuri sa kita ng mga POGO o Philippine Offshore Gaming Operators.

Sa Senate Resolution 452 ay pinasisilip ang posibleng pananagutan ng mga opisyal ng PAGCOR at ang pagbuo ng batas para dito.

Kinailangang imbestigahan ng hiwalay ng Senado ang isyung ito dahil lumalabas sa naunang pagsisiyasat na hindi nakatugon ang third-party auditor na Global ComRCI sa requirement na isang bilyong capital.


Bukod dito, nagsumite ang nasabing third-party auditor ng certification na mayroon silang 25 million USD mula sa isang bangko na hindi naman rehistrado sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

Natuklasan din na hindi rehistrado ang Global ComRCI sa Securities and Exchange Commission (SEC), wala ring opisina, gayundin ng business, occupancy at renovation permits sa lungsod ng Maynila na sinasabing may opisina sila.

Malaking kwestyon din ang technical capability ng kompanya para mag-audit sa kita ng mga POGO.

Facebook Comments